IBCTV13
www.ibctv13.com

Nasirang paaralan, ibang imprastraktura sa Ilocos Norte, mabilis na aayusin – PBBM

Ivy Padilla
100
Views

[post_view_count]

A National High School in Pagudpud, Ilocos Norte was damaged due to the effects of Typhoon Marce. (Photo by PCO)

Upang makabalik agad ang mga mag-aaral, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang mabilis na maisaayos ang mga nasirang paaralan sa Ilocos Norte bunsod ng pananalasa ng bagyong Marce.

“Kasama natin si Secretary Sonny Angara ng DepEd ay tiningnan naman namin ‘yung sira sa mga school room[s],” saad ni Pangulong Marcos Jr.

“Hinahanapan namin ng [paraan] para mabilis natin maayos para makabalik ang mga bata, para makapasok ulit, makabalik sa eskwela,” dagdag nito.

Magsasagawa muna ang Department of Education (DepEd) ng alternatibong paraan para maipagpatuloy ang mga klase habang inaayos ang mga silid-aralan.

Para naman sa nasirang seawall malapit sa National High School sa Pagudpud, sinabi ng punong ehekutibo na nakahanda na ang bidding para sa gagawing rehabilitasyon dito.

“Nakita na namin kung saan tayo puwedeng kumuha ng pondo para sa seawall. Ibi-bid na pala ‘yung project niyan. Itutuloy na kaya’t mabilis,” ani Pangulong Marcos Jr.

Muling pinagtibay ng lider ang pangako nitong tutulungan ang mga biktima ng bagyo hanggang bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

“Nandito lang po kami para tingnan na maganda ang pagbigay ng tulong. At kung mayroon pa kayong ibang pangangailangan, nandiyan po ang ating LGU, nandiyan ang provincial government, nandiyan din po ang mga ahensya ng gobyerno, lapitan niyo lang po at lahat ng maaaring gawin ay gagawin namin,” pagtitiyak ng Pangulo.