Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang petsa ng Nobyembre 4, 2024 bilang ‘Day of National Mourning for the Victims of Severe Tropical Storm Kristine’ sa bisa ng inilabas na Proclamation No. 728.
Layon ng proklamasyon na hikayatin ang publiko na makiisa sa pagluluksa para sa mga Pilipinong nasawi bunsod ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyo mula Oktubre 21-25.
“The entire nation is requested to offer prayers for the eternal repose of the souls of the victims,” saad sa proklamasyon.
Inatasan din ang bawat establisyimento at gusali na mayroong naka-display na watawat ng
Pilipinas na itaas ng ‘half-mast’ ang mga bandila bilang pagpapakita ng pakikiisa sa pagdadalamhati ng bansa.
Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Oktubre 31, umakyat sa 139 katao ang kumpirmadong nasawi dahil sa bagyong Kristine.
Iniwan nitong apektado ang 1,788,630 pamilya o katumbas ng 7,033,922 indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“The nation deeply mourns this tragic loss, and joins the families and loved ones of our departed brothers and sisters in this moment of immense sorrow,” dagdag sa proklamasyon.