IBCTV13
www.ibctv13.com

Oplan Kontra Baha ng Marcos Jr. admin, target mabawasan ng 60% ang pagbaha sa 2026

Veronica Corral
283
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. on Wednesday launched a multi-sectoral campaign to clear clogged and polluted waterways and drainages in and around Metro Manila to mitigate flash floods during heavy rains. (Photo from PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang opisyal na paglulunsad ng Oplan Kontra Baha: Greater Metro Manila Waterways Clearing and Cleaning Operations sa Balihatar Creek sa Parañaque City, Miyerkules, Nobyembre 12.

Ang proyekto ay naglalayong mapababa ang lebel ng baha sa Metro Manila ng hanggang 60 porsyento sa pamamagitan ng malawakang paglilinis, pag-dredge, at pag-aayos ng mga estero at drainage systems.

Pinangungunahan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kasama ang Metro Manila and Development Authority, mga lokal na pamahalaan, at ang pribadong sektor.

Sabay-sabay din itong inilunsad sa Valenzuela, Tondo, San Juan, at Las Piñas.

“Ang una nating kailangang gawin ay linisin ang lahat ng mga estero at spillway para maging mas malalim ang pagdadaanan ng tubig at mas maayos ang pagdaloy nito. Hindi ito isang beses lang gagawin—ito ay patuloy na gagawin hindi natin titigilan ito,” pahayag ng Pangulo.

Ayon sa DPWH, sakop ng proyekto ang 142 kilometers na mga ilog, creek, at estero, at 333 kilometers ng mga drainage system sa buong NCR. Bahagi rin nito ang pagtatanggal ng mga illegal structures at sagabal sa mga waterways upang maibsan ang dulot ng matataas na pagbaha sa mga mababang lugar.

“Marami sa ating mga pumping station ay hindi gumagana, hindi nag-operate kahit minsan dahil ‘yung pumping station ‘yun pa ang nakaharang sa tubig. Imbes na magbigay solution, ito pa ang nagiging problema,” dagdag ng Pangulo.

Bilang bahagi ng “whole-of-nation approach,” katuwang ng pamahalaan ang mga pribadong kumpanya na boluntaryong nagpahayag ng tulong.

“Hindi ito kakayanin ng national government lang, o ng LGU lang, o ng private sector lang. Kailangan nating magtulungan,” pagbibigay-diin niya.

Target na makumpleto ang unang phase ng Oplan Kontra Baha sa loob ng siyam na buwan kung saan matatapos ng Hunyo o Hulyo ng taong 2026, habang magtutuloy-tuloy ang regular na paglilinis bilang bahagi ng maintenance program ng DPWH.

Tiniyak naman ng Pangulo na pagdating ng tag-ulan sa susunod na taon, mararamdaman na sa bansa ang malaking bawas sa pagbaha.

Plano pang palawakin ang Oplan Kontra Baha sa ibang lungsod at lalawigan sa labas ng Metro Manila tulad ng Cebu, Bacolod, Bulacan, Pampanga, at Davao upang tugunan ang mabigat na epekto ng baha sa buong bansa. (Ulat mula kay Eugene Fernandez)