IBCTV13
www.ibctv13.com

Outpatient cancer screening tests, sakop na ng PhilHealth simula Agosto 14

Ivy Padilla
117
Views

[post_view_count]


Sasagutin na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang piling outpatient cancer screening tests sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) simula Agosto 14 bilang tulong sa pagpapagaan ng pinansyal na pasanin ng mga Pilipinong may kanser.

Inilunsad ang bagong benefit package sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila nitong Biyernes, Agosto 8, na isa sa mga accredited screening facilities ng state health insurer.

“Sa pamamagitan ng bagong benepisyong ng PhilHealth para sa outpatient cancer screening, mas pinalawak natin ang akses ng bawat Pilipino sa maagang pagtuklas ng kanser,” saad ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Edwin Mercado.

Sa ilalim ng YAKAP, sakop ng PhilHealth ang mga sumusunod na cancer test:

– Mammogram – P2,610

– Breast ultrasound – P1,350

– Low-dose chest CT scan – P7,220

– Alpha Fetoprotein – P1,230

– Liver ultrasound – P960

– Colonoscopy – P23,640

Para maka-avail ng nasabing benepisyo, kinakailangang magparehistro ng mga miyembro sa PhilHealth YAKAP Clinic, sumailalim sa medical assessment, at kumuha ng reseta ng doktor na nagre-refer sa kanila sa isang accredited cancer screening facility.

Ang hakbang ng PhilHealth ay pagpapakita ng suporta sa isinusulong na Universal Health Care ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matatandaang bahagi ng kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Batay sa datos, nananatiling isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas ang kanser na maaaring maagapan sa tulong early detection.