
Pinabulaanan ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Frederick Go sa press briefing ngayong Huwebes, Oktubre 9, ang mga ulat na nawalan umano ng P1.7 trilyon sa market value ang Philippine Stock Exchange (PSE) dahil sa isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Ang pahayag ni Go ay kasunod ng mensahe ni Securities and Exchange Commission (SEC) Chairperson Francis Lim sa 57th FINEX Conference kung sinabi nito na ang nangyayaring korapsyon ang nagpapahina ng pamumuhunan sa bansa.
“Unfortunately, the Securities and Exchange Commission chairman was quoting off a confirmed fake news socmed post designed to catch attention and falsely sensationalize the attributed source,” saad ni Go.
Paliwanag ng kalihim, hindi 12 porsyento ang ibinagsak ng stock market sa bansa mula Agosto 11-29 kundi 1.58 porsyento, habang ang all shares index ng PSE ay bumaba ng 1.5 porsyento.
“The fact is, the drop wasn’t 12 percent. You may confirm this with the Philippine Stock Exchange or your favorite stockbroker,” ani Go.
Tiniyak din nito na walang nasayang na pamumuhunan ang bansa dahil sa isyu ng korapsyon at sa halip ay patuloy pang pumapasok ang investment pledges.
“As a matter of fact, we are now transmitting to the Office of the President approval of the first beneficiary of the CREATE More Act, which is an investment from a Korean company of over USD1 billion,” dagdag niya. – VC