
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P238 bilyong pondo upang tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means nitong Abril 8, sinabi ni DBM Secretary Rolando Toledo na mula ang pondo sa 2026 General Appropriations Act (GAA), kasama ang automatic at continuing appropriations.
Gagamitin ito para sa fuel subsidies sa sektor ng transportasyon, tulong sa mga magsasaka at mangingisda, suporta sa kalusugan, at iba pang social protection programs.
Nauna nang naglabas ang ahensya ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidies ng mga transport operator, at P1 bilyon naman para sa service contracting.
Kasabay nito, nagpapatupad din ang DBM ng mga hakbang upang makatipid pamahalaan, kabilang ang pagbawas sa non-essential Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga ahensya, paglimita sa mga biyahe, pagsulong sa paggamit ng online engagements, pagtitipid sa kuryente, at mas maayos na pamamahala ng iba pang gastusin ng gobyerno.
Dahil dito, inaasahang makakaipon ang gobyerno ng P12.8 bilyon hanggang P25.6 bilyon mula noong nagdaang Marso hanggang Disyembre 2026.
Samantala, tiniyak naman ni Secretary Toledo na hindi maaapektuhan ang mahahalagang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, at social protection.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipagtulungan ng DBM sa iba’t ibang ahensya upang masigurong mabilis at maayos na maipapahatid ang tulong sa mga pamilyang Pilipino. – IP











