Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P325 milyong halaga ng tulong pinansyal para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng mga nagdaang bagyo sa Cagayan Valley region ngayong Biyernes, Nobyembre 22.
Nakatanggap ng tig-P10,000 ang nasa 1,500 benepisyaryo mula sa Isabela habang nabigyan naman ng tig-P10 milyon ang bawat lokal na pamahalaan sa Tuguegarao City at 20 munisipalidad na nasalanta sa Cagayan.
Bukod dito, nabigyan din ng tig-P50 milyong halaga ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino at Isabela.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang mensahe ang patuloy na pagtulong at pag-alalay ng pamahalaan sa mga biktima ng bagyo.
“Ang inyong pamahalaan ay laging namang handa na tumulong at samahan kayong makabangon,” saad ng Pangulo.
Para matugunan ang epekto ng climate-related disasters, binanggit din ng punong ehekutibo ang mga nakalinyang proyekto ng gobyerno para sa pagpapalakas ng ‘disaster resilience’ ng nasabing rehiyon.
“Sa kasalukuyan, pinag-aaralan na natin [ang] mga master plans para sa major river basins sa bansa, gaya ng Cagayan River Basin. Sinisimulan na rin po ang pagsasaayos ng Magat Dam,” saad ng Pangulo.
“Kasalukuyan din po ang pagpapatayo ng iba pang flood control structures katulad ng Tumauini River Multipurpose Project. Hindi lamang ito flood control po ito, ito rin po ay makakatulong sa patubig ng mga pananim ng ating mga magsasaka,” dagdag nito. – AL