
Nakatakdang maglabas ng Executive Order (EO) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang ipatupad ang price cap na P50 kada kilo sa imported well-milled rice.
Sa kanyang video report ngayong araw, Marso 31, sinabi ng Pangulo na ilalabas ang EO para sa price cap sa lalong madaling panahon.
Kasabay nito, tiniyak niya ang pagpapalawak sa P20 rice program ng pamahalaan, kung saan mula sa dating 600 tonelada, umabot na sa 2,000 tonelada ang suplay dahil sa pagtaas ng demand.
Ang pagtatakda ng price cap ay batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council, na nangangasiwa sa pag-momonitor at pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na nananatili sa suggested retail price (SRP) ang karamihan sa basic necessities at prime commodities (BNPCs) kabilang ang bigas.
Gayunpaman, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga manufacturer at retailer upang mapigilan ang pagtaas ng presyo hanggang sa susunod na buwan.
Nauna nang nilagdaan ng Pangulo ang EO No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency dulot ng umiiral na kaguluhan sa Middle East.
Sa ilalim ng kautusan, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na magdeklara ng kakulangan sa suplay ng enerhiya at magpatupad ng fuel at energy allocation plan, gayundin ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya. – VC











