IBCTV13
www.ibctv13.com

P52-M halaga ng ayuda, handog ni PBBM sa mga biktima ng bagyo sa Nueva Vizcaya

Ivy Padilla
79
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the distribution of financial assistance to typhoon-hit families in Nueva Vizcaya today, November 22. (Photo by PIA)

Aabot sa P52-milyong halaga ng tulong pinansyal at higit 1,000 kahon ng family food packs (FFPs) ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga naapektuhan ng nagdaang mga bagyong Nika, Ofel, at Pepito sa Nueva Vizcaya ngayong Biyernes, Nobyembre 22.

Kasabay nito ay nangako si Pangulong Marcos Jr. na tutulungan ng pamahalaan ang mga biktima hanggang sa tuluyan itong makabangon.

“Tuloy-tuloy ‘yan hangga’t makabalik na kayo sa inyong tinitirahan at kaya na ninyong bumalik sa dati ninyong buhay,” mensahe ng Pangulo sa distribusyon ng ayuda sa nasabing probinsya ngayong Biyernes, Nobyembre 22.

“Kaya po ito lahat ay pinagsasama-sama natin kasi ang aming gagawin ay mula ngayon, we will continue to distribute itong relief goods hanggang hindi na nangangailangan ang ating mga kababayan, ang mga tiga-Vizcaya,” mensahe ng Pangulo.

P50-milyon sa nasabing halaga ay mula sa Office of the President habang ang P2.5-milyon ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nasa 500 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P5,000 sa ilalim ng AICS program.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 8,168 pamilya o 27,726 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa nasabing probinsya.

Pitong (7) katao rin ang napaulat na nasawi habang tatlo (3) ang sugatan dahil sa pagguho ng lupa kung saan nasa 2,824 kabahayan naman ang napinsala. – AL