IBCTV13
www.ibctv13.com

P80-M cash assistance, handog ni PBBM sa mga apektadong bayan sa Cagayan dahil sa bagyong Marce

Ivy Padilla
117
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. handed over P10 million each to 7 towns that were affected by Typhoon Marce. (Photo by PIA Cagayan Valley)

Personal na inabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nasa P80-milyong halaga ng tulong pinansyal sa mga munisipalidad na nasalanta ng nagdaang bagyong Marce sa Cagayan ngayong Linggo, Nobyembre 10. 

Tumanggap ng tig-P10-milyong halaga ang mga bayan ng Aparri, Buguey, Sanchez-Mira, Santa Teresita, Baggao, Gattaran, Gonzaga, at Santa Ana. 

Sa kanyang mensahe, tiniyak ng Pangulo sa mga apektadong komunidad ang walang patid na tulong ng pamahalaan para sa kanilang pagbangon. 

“Hangga’t kailangan, ‘yung mga na-displaced na nasira nga ang bahay, walang tirahan kahit kung nasa evacuation center man sila o nasa bahay ng kanilang kamag-anak o kaibigan, ay magprovide pa rin kami nitong relief goods.  Tuloy-tuloy pa rin hangga’t makabalik na sila sa kanilang bahay,” saad ng Pangulo.

Namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development (DWSD) ng 1,800 family food packs para sa mga nasalanta ng bagyo.

May dala namang 200 packs ng 5 kilo na bigas at 20 kahon ng sardinas ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang naghatid ang National Irrigation Administration (NIA) ng 1,000 packs ng 10 kilo na bigas. 

Kasabay nito, nagbigay rin ang Department of Agriculture (DA) ng P866.3-milyong halaga ng tulong para sa mga magsasaka sa probinsya na binubuo ng hybrid rice seeds, fertilizers, vegetable seeds, at native chickens. 

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, Nobyembre 9, nasa 15,518 pamilya sa Cagayan ang apektado ng bagyong Marce kung saan 6,395 sa mga ito ang nanunuluyan sa evacuation centers. 

Matatandaang nag-landfall ang bagyo sa Santa Ana at kalauna’y sa Sanchez-Mira. -VC