Umabot na sa higit P895-milyon ang halaga ng tulong na naipaabot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga biktima ng nakaraang Severe Tropical Storm (STS) Kristine at ang kasalukuyang Typhoon Leon.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), saklaw ng nasabing halaga ang food at non-food items mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD) at iba pang mga lokal na yunit ng pamahalaan.
Kasama rin dito ang mga kontribusyon mula sa mga non-government organizations (NGOs).
Sa tala ng NDRRMC ngayong Huwebes ng umaga, pumalo na sa mahigit 1.89 milyong pamilya o katumbas ng higit 7.49 milyong indibidwal ang apektado ng mga bagyong nanalanta sa bansa.
Nananatili ngayon sa mga evacuation area ang nasa 85,536 displaced families habang pinili namang manatili ng 87,617 pamilya sa labas ng temporary shelters.
Sa sektor naman ng agrikultura, sumampa na sa P2.9 billion ang halaga ng kabuuang pinsala sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas at Socssksargen.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine at Leon.