Ikinatuwa ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aprubahan ang one-time grant ng rice assistance para sa mga military uniformed personnel (MUP) sa fiscal year (FY) 2024, sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 26.
Ayon kay Pangandaman, malaking bagay ang grant bilang bahagi ng pagkilala sa serbisyo at sakripisyo ng MUPs para sa bansa upang matulungan din sila sa mga kinakaharap na socio-economic challenges.
“Wala pong katumbas ang responsibilidad na ginagampanan ng ating mga MUP para sa seguridad ng bansa kaya noong malaman po natin na sobrang importante sa kanila ang pagkakaroon ng rice assistance, lalo na sa mga naka-destino sa malayong probinsya at liblib na lugar, inirekumenda po natin ito sa Pangulo,” mensahe ni Pangandaman.
Sa pamamagitan din ng kautusan, nabibigyan ng ‘economic opportunities’ ang mga manggagawa ng sektor ng agrikultura gaya ng mga magsasakang bahagi ng Kadiwa program ng Department of Agriculture (DA) kung saan magmumula ang rice assistance na ipagkakaloob sa uniformed personnel.
“Maganda rin po itong programa na ito dahil hindi lang military and uniformed personnel ang matutulungan kundi pati na rin ang mga local farmers natin,” dagdag niya.
Sa ilalim ng AO No. 26, pagkakalooban ng 25 kilogram ng bigas ang lahat ng active MUPs mula Nobyembre 30, 2024 kung saan ang pamamahagi ay isasagawa mula Disyembre 2024 hanggang Marso 2025 sa mga itinalagang National Food Authority (NFA) warehouse. – VC