Desidido ang House of Representatives (HOR) na maibalik ang P39.8-bilyong pondo para Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) gayundin ang karagdagang subsistence allowance ng mga sundalo para sa 2025 national budget.
Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez si Appropriations Committee Chairman Zaldy Co na tiyakin ang pagbabalik sa pondo ng AKAP sa nalalapit na bicameral conference committee discussions.
Bilang tugon, tiniyak ni Co sa mga benepisyaryo na ipaglalaban ng House contingent ang pondo para sa nasabing programa kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan nito para sa mahihirap na pamilya.
Sa tala nitong Oktubre 2024, naibigay na ang 77.57% ng P26.7-bilyong alokasyon nito para sa 589,000 benepisyaryo sa Metro Manila.
“Without AKAP, families living paycheck-to-paycheck will have no safety net for emergencies, such as illness, death in the family, or natural disasters,” saad ni Co.
Tiniyak din ni House Speaker Martin Romualdez na ilalaban nila sa Kamara ang budget na ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa laki ng naitutulong nito sa mga pamilyang Pilipino.
“AKAP is not just a safety net; it is a lifeline for millions of Filipino families teetering on the edge of poverty. This initiative has proven its value by providing immediate relief to struggling households, empowering them to weather economic challenges, and ensuring their resilience against inflation and other shocks,” saad nito sa isang press release.
Matatandaang nitong Nobyembre 20 ay natapos na ang plenary debates ng Senado ukol sa P6.352 trillion national budget para sa taong 2025 kung saan napagdesisyunan na alising ang P39.8 bilyong alokasyon para sa AKAP. – AL