
Tuluyan nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, na nagbabawal sa lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa ilalim ng bagong batas na pinirmahan noong Oktubre 23, opisyal nang ipinagbabawal at idineklarang ilegal ang anumang uri ng offshore gaming sa bansa, kabilang ang pagpapatakbo, pagbebenta ng serbisyo, at paggamit ng gaming equipment.
Mula rito, awtomatiko nang kanselado ang lahat ng dating lisensya, visa, at work permits ng mga POGO workers.
Inatasan din ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na singilin ang natitirang buwis ng mga dating operator, habang magpapatupad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng transition programs para sa mga Pilipinong naapektuhan ng pagsasara ng POGOs.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, isa ito sa mga pinakamalaking hakbang para tuluyang matigil ang mga abuso at krimeng kaakibat ng industriya.
Ang RA 12312 ay epektibo 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. –VC











