
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 12209 o ang inamyendahang Motorcycle Crime Prevention Act na tuluyang nag-aalis sa kontrobersyal na ‘doble plaka’ sa mga motorsiklo.
Ikinagalak ito ng motorcycle-riding community at ilang senador kabilang sina Senate Majority Leader Francis Tolentino at Senator JV Ejercito na mga pangunahing sponsor at co-author ng naturang batas.
“It’s a landmark legislation and a legacy of the 19th Congress that addresses the everyday concerns of millions of riders,” saad ni Tolentino.
Sa ilalim ng RA 12209, tinanggal na ang requirement na maglagay ng front metal plate sa motorsiklo na itinakda sa naunang RA 11235.
Bukod dito, pinaluwag rin ang parusa sa mga lalabag, at binigyan ng deadline ang Land Transportation Office (LTO) hanggang Hunyo 30, 2026 upang ayusin ang backlog sa plaka ng motorsiklo.
Para naman kay Senator Ejercito, ang bagong batas ay ang matagal nang hinihintay ng riding community.
“This law brings fairness and common sense. It ensures public safety without punishing innocent riders. The front plate was not only impractical but also posed safety risks for many motorcycles,” mensahe ni Ejercito.
Naniniwala ang mga senador na ang batas ay bunga ng pakikipagtulungan sa rider groups, stakeholders, at mga kapwa mambabatas na matagal nang nananawagan na ibasura ang ‘doble plaka.’ – VC