Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan para sa mga Pilipinong nasalanta ng sunud-sunod na nagdaang mga bagyo hanggang sila ay makabangon nang muli.
Sa kanyang pagbisita sa isang evacuation center sa Virac, Catanduanes ngayong Martes, Nobyembre 19, sinabi niya na walang deadline kung kailan matatapos ang pagpapadala ng ayuda at iba pang kinakailangang assistance sa mga komunidad na higit na naapektuhan ng mga bagyong nanalanta sa bansa.
“Walang deadline po ito. Hangga’t kailangan ninyo na magkaroon pa ng food pack, magpapadala pa rin kami,” bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos Jr.
“Pati ‘yung mga na-displace, na nawalan ng tirahan, na napunta sa bahay ng kanilang kapitbahay, ng kanilang kamag-anak, ng kanilang kaibigan ay bibigyan rin natin ng food pack at tuloy-tuloy ang suporta po na ating gagawin,” dagdag niya.
Nagkaloob naman ang Pangulo ng P50 million na cash aid para sa pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes para sa ‘recovery’ ng mga residente sa lugar kung saan sakop nito ang relief goods, shelter assistance, pati na muling pagbuo ng communication at power systems na nasira dahil sa epekto ng bagyong Pepito.
Personal din na ipinamahagi ni Pangulong Marcos Jr. ang family food packs (FFPs) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 1,000 residente sa lugar, pati na ang tig-P5,000 cash relief na ipinagkaloob sa 500 pamilya.– AL