Nanawagan ng agarang pagbuo ng batas ang mga lider ng House Tri-Committee upang labanan ang lumalalang paggamit ng fake news at social media propaganda.
Sa ikalimang pagdinig sa Kamara patungkol sa fake news, itinuring ng mga mambabatas ang maling impormasyon bilang isa sa mga nagpapagulo sa kaalaman ng mga Pilipino patungkol sa soberanya ng Pilipinas, partikular sa usaping West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni House Public Order and Safety Chair Rep. Dan Fernandez kung paano ginagamit ang fake news para ipalaganap ang pro-China narrative sa social media.
“Ginagamit nila ang maling impormasyon upang linlangin ang ating isipan, baluktutin ang kasaysayan, at siraan ang ating lehitimong karapatan sa ating sariling karagatan,” paliwanag ni Fernandez.
“Ang propagandang ito ay may layuning pahinain ang ating paninindigan, hatiin ang opinyon ng publiko, at gawing normal ang kanilang ilegal na presensya sa ating karagatan,” dagdag niya.
Ani Fernandez, nakatakdang maglabas ang komite ng ulat na naglalaman ng mga konkretong rekomendasyon laban sa disinformation at online na panlilinlang.
Samantala, iginiit ni Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II ang pangangailangan ng mas matibay na batas upang mapanagot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon at palakasin ang digital literacy ng mga Pilipino.
“We also have to ensure that those who deliberately spread falsehoods are held accountable under the law,” pagbibigay-diin ni Aquino.
Ang Tri-Committee hearings ay inilunsad upang imbestigahan ang umano’y paggamit ng troll farms, pekeng account, at foreign propaganda upang impluwensyahan umano ang opinyon ng publiko at pahinain ang paninindigan ng Pilipinas sa mga isyung pangteritoryo. – VC