
Ipinagpaliban ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay magsisimula sana sa Setyembre 23.
Batay sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I nitong Lunes, Setyembre 8, pumayag ang korte sa hiling na ipagpaliban ang proseso dahil hindi umano “fit” ang 80-anyos na dating Pangulo na dumalo at humarap sa paglilitis.
Dalawa sa tatlong judge ang sumang-ayon sa limitadong pagpapaliban upang bigyan ng panahon ang korte na resolbahin ang mosyon at mga kaugnay na usapin.
Si Judge Maria del Socorro Flores Liera ang hukom na hindi sumang-ayon at naglabas ng dissenting opinion na dapat nang ituloy ang nakatakdang pagdinig.
Muling magpapasya ang ICC ng bagong petsa ng pagdinig matapos masuri ang kahilingan at iba pang kaugnay na isyu. Sa oras na makumpirma ang charges, iaakyat na ito sa Trial Chamber para sa susunod na proceedings. – VC