IBCTV13
www.ibctv13.com

Paggunita ng Undas 2024, naging mapayapa – PNP

Ivy Padilla
166
Views

[post_view_count]

Families flocked to the Manila North Cemetery on November 1 to visit their loved ones. (Photo by Patricia Lopez, IBC News)

Maituturing na ‘generally peaceful’ ang paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day ngayong taon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ayon sa Philippine National Police (PNP). 

Sa ulat ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, walang naitalang ‘untoward incident’ sa mga sementeryo, kolumbaryo at iba pang pampublikong lugar sa pagdalaw ng mga Pilipino sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay. 

“So far, the situation is generally peaceful as no untoward incident [is] recorded,” saad ni Fajardo. 

Iniuugnay ang magandang resulta na ito sa koordinasyon at pagtutulungan ng pulisya at mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng maayos at mapayapang paggunita sa Undas. 

Ipinagmamalaki rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang maayos na pagdaraos ng Undas sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Major General Sidney Hernia, malaking tulong ang pagpapakalat ng presensya ng pulisya sa mga sementeryo, terminal at iba pang lugar para mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko. 

Kabilang sa malalaking sementeryo na mahigpit na binantayan ang Manila North Cemetery na umabot sa 1,100,000 ang crowd estimate nitong Nobyembre 1 habang nasa 310,000 katao ang dumalaw kinabukasan, Nobyembre 2.

Sa Manila South Cemetery naman, pumalo sa 438,500 katao ang bumisita nitong All Saints’ Day habang nasa 58,650 indibidwal ang dumagsa kahapon.

“We have worked tirelessly to ensure that  Undas  2024 was a time for safe and solemn reflection. I commend our police personnel and all participating agencies and groups for their hard work and dedication,” saad ni Hernia. 

Tiniyak naman ng PNP na mananatiling nakaalerto ang kagawaran sa inaasahang dagsa ng mga biyahero na babalik sa Kamaynilaan.