Hawak na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga detalye ng umano’y Chinese national na nagsagawa ng ‘espionage activity’ o pag-e-espiya sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Pilipinas.
Isang 39-anyos na Chinese national ang nasabing suspek na nakitang naglabas-masok na sa bansa simula pa noong 2015, at nakapangasawa umano ng isang Pilipina.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malalim na imbestigasyon sa nasabing indibidwal.
Nilinaw din ni Viado na hindi ito ipade-deport hanggat hindi napapatawan ng kaukulang parusa at kaso.
“We will ensure that we will identify any foreign cohorts that might be in the country assisting him,” saad ng Commissioner.
“These alleged spies have no place in the President’s Bagong Pilipinas. They will face serious punishment for their crimes,” dagdag pa niya.
Enero 20 nang iharap ng NBI ang Chinese national sa isang press briefing kasama ang dalawa pa nitong mga kasabwat na Pilipino. – AL