
Naglabas ng Joint Circular (JC) No. 1, series of 2025 ang Civil Service Commission (CSC) katuwang ang Department of Budget Management (DBM) ngayong Huwebes, Disyembre 18, upang limitahan muna ang pagkuha ng Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers bilang solusyon sa patuloy na isyu ng contractualization sa mga pampublikong sektor.
Batay sa circular, may itinakdang bilang lamang ng COS at JO workers na maaaring tanggapin ng mga ahensya hanggang sa katapusan ng taong 2025 upang limitahan ang pagkakaroon ng contractual hiring.
Bukod dito, ipinag-utos din sa mga ahensya na suriin muli ang staffing requirements, magsagawa ng mga optimization plan alinsunod sa Government Optimization Act, at pag-aralan ang posibleng pagtanggap sa mga kasalukuyang COS at JO workers sa mga plantilla position.
Nilalaman din ng circular ang ancillary benefits, repertorial requirements, at mga responsibilidad ng mga ahensya sa kanilang mga COS at JO workers.
Sakop ng kautusan ang mga ahensya ng gobyerno, government-owned o -controlled operations na may orihinal na charters, mga state universities at colleges, at maging constitutional bodies.
Hindi naman kabilang ang mga lokal na pamahalaan maging ang mga COS at JO workers na pinapasahod ng engineering at administrative overhead expenses.
Ang nasabing circular ay epektibo 15 araw matapos ang pagkakalathala nito alinsunod sa pagsusumite ng Office of the National Administrative Register sa University of the Philippines Law Center. – V.C











