IBCTV13
www.ibctv13.com

Paglitaw ni former presidential spox. Roque sa Netherlands, paiimbestigahan ng Quad-Comm

Earl Tobias
453
Views

[post_view_count]

File photo of Former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque. (Photo from PNA)

Ikinagulat ni House Quad-Committee Chairperson Robert Ace Barbers ang pagsulpot ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa The Hague, Netherlands, kasunod ng pagkaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang pinaghahanap ng mga awtoridad si Roque dahil sa Contempt at Detention Order na kinakaharap nito kaugnay sa koneksyon niya sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

May gumugulong din na human trafficking case si Roque dahil sa pagkakaugnay sa iligal na operasyon ng na-raid na POGO hub ng Lucky South 99.

Palaisipan ngayon kay Barbers kung saang bansa nanggaling si Roque at paano ito nakalusot sa awtoridad.

Samantala, tiniyak naman ni Quad-Comm Co Chairman Stephen Paduano na pagkokomentuhin ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration (BI) sa nangyaring paglabas ng bansa at pagsunod ni Roque sa The Hague kasama si Vice President Sara Duterte.

Ani Paduano, siguradong gumamit ng passport si Roque papuntang Netherlands kung saan makikita doon kung saan siya nanggaling.

Gayunpaman, nanindigan si Barbers na makikipagtulungan ang Quad Committee sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte pero hindi nito pipigilan ang Korte Suprema na gamitin sa publiko ang kanilang live records.

Samantala, ibinahagi naman ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega na may ilang pangalan pa na nadiskubreng tumanggap ng confidential funds receipts ng Office of the Vice President na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan. (DL/VC)