Inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Disaster Response Management Group (DRMG) ng ahensya na pabilisin ang pagdaragdag ng family food packs (FFPs) sa mga warehouse sa Western at Central Visayas.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pag-aalburoto at posibilidad na muling sumabog ang Bulkang Kanlaon.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, target nilang makapagpadala ng 100,000 kahon ng FFPs sa Negros Oriental at Negros Occidental.
“We will massively send FFP stockpiles to Negros Oriental (Region 7) and Negros Occidental (Region 6) starting Sunday. We will fill our provincial warehouses on the island to the brim,” pagtitiyak ni Gatchalian.
Nakatakdang ipamahagi ang mga nasabing food packs sa mga evacuee sakaling pumutok ang bulkan.
Nitong Sabado, Enero 11, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagtaas ng ‘ground deformation’ sa Kanlaon Volcano.
Nakitaan ang bulkan ng pamamaga sa ‘middle to upper portion’ ng eastern edifice at malaking pagbaba sa SO2 emission, parehong senyales na naganap bago ang nangyaring eruption noong Disyembre 2024.