Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dam operator na unti-untiin na ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahan pang malakas na pag-ulan na dala ng Tropical Storm Kristine.
Sinabi ng Pangulo na makatutulong ito upang hindi na labis maapektuhan ang nasa downstream communities sakaling maabot ng dam ang full capacity nito dahil sa malakas na ulan.
“Maybe what we can do is do a measured response. Kahit hindi pa high water level, magbitaw na tayo nang kaunti. Pababain na natin na hindi apektado ‘yung mga downstream communities,” mensahe ng Pangulo sa isang situation briefing kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules. Oktubre 23.
Kasunod ng direktiba ng Pangulo, ilang dam na ang nagpakawala ng tubig ngayong araw kabilang na ang Magat, Binga at San Roque Dam.
Samantala, pinangangambahan na tumungtong sa spilling level na 80.15 metro ang La Mesa Dam sa Quezon City matapos itong umakyat sa 79.50 m as of 8:00 a.m.
Narito ang lagay ng iba pang dam sa Luzon:
—VC