Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dagdagan ang subsistence allowance (SA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P16.890 bilyon para sa mga kawani nito.
“Matagal na pong inaaral ang adjustment sa subsistence allowance ng ating mga military personnel. At masaya po tayo na naipasa po ito sa ating 2025 GAA (General Appropriations Act),” saad ni Pangandaman.
Sa bisa ng Executive Order No. 84 na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. nitong Marso 14, itinaas mula P150 patungong P350 o dagdag na P200 kada araw ang SA ng kasundaluhan, epektibo simula Enero 1, 2025.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mabilis na pag-apruba ng Executive Order na siyang nagbibigay awtoridad na itaas ang allowance ng ating mga military personnel,” dagdag ng kalihim.
Nakasaad sa EO na naobserbahan ng pamahalaan na hindi na sapat ang kasalukuyang subsistence allowance ng AFP personnel para matugunan ang kanilang araw-araw na pangangailangan na mahalaga para magampanan ang kanilang trabaho.
Makikinabang sa nasabing dagdag na allowance ang opisyal at kawani ng ahensya, kabilang ang mga trainee at probationary 2nd lieutenants o mga sumasailalim sa military training, Citizen Military Training cadets at reserve officers.
Matatandaan na huling na-adjust ang subsistence allowance ng Sandatahang Lakas noon pang 2015. – VC