IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagpapalakas ng Universal Health Care, prayoridad sa 2026 budget ng DOH

Ivy Padilla
93
Views

[post_view_count]

Secretary Ted Herbosa attended the House hearing on the proposed FY 2026 budget of DOH today, September 4. (Photo by DOH)

Magiging sentro sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon ang higit na pagpapalakas sa Universal Health Care (UHC) ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa.

Sa pagsisimula ng budget hearing ng Committee on Appropriations ng House of Representatives ngayong Huwebes, Setyembre 4, binigyang-diin ni Herbosa ang kahalagahan na maramdaman ng bawat Pilipino ang mga serbisyong pangkalusugan.

“Matagal nang dapat naramdaman ng Pilipino ang Universal Health Care simula nang maisabatas ito noong 2019. Unti-unting inayos ng DOH ang sistema at serbisyo sa mga ospital at komunidad, pero hindi pa ito tapos,” saad ni Herbosa.

Saklaw ng P260 bilyong panukalang pondo ng ahensya ang operasyon ng mga DOH hospital para matiyak ang pagpapatuloy ng Zero Balance Billing sa basic accommodation.

Popondohan din ang public health programs at outpatient services gaya ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers, gayundin ang mga specialty centers kabilang ang cardiovascular care, lung care, cancer care at iba pa sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Nakatakda ring ilaan ang pondo bilang medical assistance para sa mga mahihirap na pasyente na may kondisyong hindi kayang pondohan ng PhilHealth at ng budget ng DOH hospitals.

Mahalaga rin para sa ahensya na maipagpatuloy ang deployment ng mga health professional partikular sa mga tinukoy na priority areas sa bansa.

Matatandaang sa unang pagkakataon, wala nang bayan sa Pilipinas ang walang doktor dahil sa mga programa ng DOH gaya ng ‘Doctors to the Barrios’ at ‘Espesyalista para sa Bayan’.

Bukod sa mga ito, prayoridad din ng DOH na tiyaking may sapat na pondo para sa health promotion at public health programs gaya ng ‘PuroKalusugan’ na nakatuon sa pag-iwas sa mga sakit tulad ng tuberculosis, HIV, vaccine preventable diseases, hypertension, diabetes, cancer, at iba pa.

Nanghihingi ngayon ang ahensya ng karagdagang P59.9 bilyon para sa mga attached agency at Government-Owned or Controlled Corporation (GOCCs) nito kabilang ang subsidiya para sa PhilHealth na target mabayaran ang premiums ng indirect contributors kasama na ang indigents at senior citizens. – AL

Related Articles