Walang suporta o panghihikayat na gagawin ang Malacañang para sa mga hakbangin na layong mapatalsik sa pwesto si Vice President Sara Duterte ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin.
Binigyang-diin ni Bersamin na makakagulo lamang ang impeachment laban kay VP Sara sa mga problema sa bansa na aniya ay mas dapat pagtuunan ng pansin.
“The President has been very clear about his position in this. So any suggestion na political ‘yan, na instigated by our side, no. That is never true,” paliwanag ni Bersamin.
Samantala, iginiit ng opisyal ng Office of the President na naging malinaw na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pahayag na hindi susuportahan ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
“The President already made a clear and unambiguous statement that he will not support an effort to impeach kasi distracting. Marami tayong pangangailangan na gawin, importante sa bayan,” dagdag pa ng Kalihim.
Nauna nang inihayag ni Bersamin na walang anumang kaugnayan ang Malacañang sa impeachment complaint na inihain laban kay VPSD ng ilang advocacy groups dahil ito ay mula sa mga ‘private citizen’ na mayroong ‘independent initiative’.
Matatandaang kinondena ni Pangulong Marcos Jr. ang umano’y pagpapatalsik kay Duterte dahil hindi naman ito makatutulong sa mga Pilipino. – VC