Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na unahin ang rehabilitasyon ng Bambang Bypass Road sa Nueva Vizcaya sa kanyang mensahe kasabay ng inspeksyon nito sa nasabing kalsada ngayong Biyernes, Nobyembre 22.
Binanggit ni Pangulong Marcos Jr. ang malaking pinsala na idinulot ng Super Typhoon Pepito, gayundin ang iba pang pinsala sa mga imprastraktura sa probinsya.
“Nakita na po namin ‘yung mga ibang damage doon sa mga flood control at siya po ang gumagawa ngayon ng plano para paayos natin para patibayin pa natin ng – kung mayroon man may sumunod pa na bagyo ay hindi na masisira ulit,” saad ng Pangulo.
Nasa 77 road sections at 32 tulay ang naiulat na nasira sa Nueva Vizcaya bunsod ng sunud-sunod na pananalasa ng bagyong Nika, Ofel, at Pepito.
Personal na iniabot ng lider ang P52-milyong tulong pinansyal at 1,000 kahon ng family food packs (FFPs) para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo. – AL