
Pinagtutuunan ngayon ng administrasyon ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) bilang pangunahing hakbang upang maiangat ang buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga apektado ng pagtaas ng inflation.
Sa isang media forum ngayong Miyerkules, inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na nasa finalization stage na ang mga alituntunin ng AKAP sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Economic and Development Authority (NEDA), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Binigyang-diin din ng kalihim ang layunin ng Marcos Jr. administration sa pagpapabilang ng programa sa General Appropriations Act (2025).
“He also made mention of the inflation. I think the reason kaya po merong AKAP is anti-inflationary measure,” wika ni Pangandaman.
Pinatitiyak ni Pangandaman na “dapat makarating [ang AKAP] sa tamang beneficiaries, hindi po siya parang raffle.”
Dahil naman sa nalalapit na midterm elections sa Mayo, pinaalalahanan ni Pangandaman na hindi maaaring magamit ang AKAP para sa politika.
Nakasaad din sa probisyon ng AKAP na ipinagbabawal ang paglalagay ng larawan, stickers, o branding ng mga politiko sa pamimigay ng cash assistance.
“Sabi po nila, ayaw nila magamit yung ating mga social protection program ng basta-basta or for any political gain,” saad ng kalihim.
Magkakaroon naman ng budget forum sa Enero 28 sa Philippine International Convention Center (PICC), para sa consultation at proposals ng mga ahensya ng national government at Government-Owned and Controlled Corporation (GOCCs) ngayong taon upang matiyak ang wasto at kapaki-pakinabang na patutunguhan ng P6.352 trillion na national budget.
“Gustong gamitin ang budget para mapalaki ang ekonomiya,” sabi ni Pangandaman.
Sa ilalim ng AKAP, nakatakdang makatanggap ng P5,000 cash assistance ang bawat pamilya bilang suporta.
Inaasahang matatapos ang alituntunin ng programa bago matapos ang Enero.
Sa kabuuan, patuloy na nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya upang matiyak na makakamit ang layunin ng administrasyon na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino. – VC