IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagsuspinde ni PBBM sa fare hike, nagpagaan sa pasanin ng mga komyuter – PasaHero

Kristel Isidro
260
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. visited the Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) to personally oversee the initial rollout of fuel subsidies for public utility vehicles (PUVs) last Tuesday, March 24. (Photo courtesy of PCO)

Pinuri ng Coalition of Filipino Commuters (PasaHero), isang commuter group, ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang planong taas-pasahe kamakailan sa gitna ng sumisipang presyo ng langis sa bansa.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ng PasaHero na malaki ang naitulong nito para maiwasan ang dagdag gastusin ng milyun-milyong Pilipinong umaasa sa pampublikong transportasyon araw-araw.

Ayon kay PasaHero lead convenor Ira Panganiban, ipinakita ng Pangulo ang malasakit sa mga ordinaryong komyuter, lalo pa’t sila ang unang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo.

“By suspending the initially announced fare hike, the President has shown his compassion to the suffering of the ordinary commuters who outnumber the transport sector in population by a ratio of at least 16 passengers to 1 driver,” saad ni Panganiban.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ang suspensyon ng fare hike upang maprotektahan ang publiko mula sa epekto ng tumataas na presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Dahil dito, inilunsad ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr), ang pamamahagi ng fuel subsidy, kung saan una nang nabigyan ang mga drayber at tsuper ng public utility vehicles (PUVs).

Sa ilalim ng fuel subsidy program, may kabuaang P2.5 bilyon na pondo ang inilaan ng ahensya para makapagbigay ng P10,000 tulong-pinansyal sa bawat bus operator habang P5,000 naman sa mga tsuper.

Bukod dito, nagpatupad din ang Pangulo ng iba pang hakbang tulad ng libreng sakay at diskwento sa pamasahe sa tren upang matulungan ang mga komyuter sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Nagpahayag naman ang PasaHero ng kahandaan na makipagtulungan sa sektor ng transportasyon upang makahanap ng pangmatagalang solusyon na magbabalanse sa kapakanan ng mga tsuper at komyuter. – IP