Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mananatiling matatag ang posisyon ng Pilipinas sa soberanya sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng pagtutol ng China sa isinabatas na Philippine Maritime Zones at Philippine Archipelagic Sea Lanes Laws.
Kamakailan nang ipatawag ng China ang ambassador ng Pilipinas para ipaliwanag ang dalawang bagong batas.
Giit ng China, dapat galangin ng Pilipinas ang kanilang ‘territorial sovereignty.’
Hindi naman ikinagulat ng Pangulo ang naging reaksyon ng China at sinabing wala itong magiging epekto sa posisyon ng pamahalaan pagdating sa West Philippine Sea.
“Wala naman pinagbago ‘yun dahil ganoon pa rin ang sitwasyon natin. Ganoon pa rin ang position natin,” pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos Jr. sa isang panayam ngayong Huwebes, Nobyembre 14.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang kambal na batas na layong tukuyin at palakasin ang mga karapatan ng bansa pagdating sa mga sakop na maritime zones.
Naniniwala ang Pangulo na makatutulong ang dalawang bagong batas sa patuloy na pagtatanggol ng bansa sa mga sakop nitong teritoryo, partikular na ang WPS. – VC