Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko tungkol sa pagtaas ng seismic activity ng Taal Volcano simula pa noong bagong taon.
Sa pinakabagong bulletin ng PHIVOLCS, umabot sa pitong volcanic earthquakes at limang volcanic tremors ang naitala sa bulkan mula Enero 4-6.
Ayon sa ahensya, wala pang nakikitang ‘degassing plume’ mula sa Main Crater, habang patuloy ang pagbuga nito ng sulfur dioxide na umaabot sa 2,753 tonelada bawat araw mula pa noong Disyembre 30.
“The sharp increase in Real-time Seismic Amplitude Measurement (RSAM) and the lack of observable degassing from the Main Crater may indicate blockage or plugging of volcanic gas pathways within the volcano,” ulat ng PHIVOLCS.
Ang pagtaas sa seismic activity ay posibleng nagpapahiwatig ng blockage o pagbara sa mga daanan ng volcanic gas na maaaring magdulot ng phreatic o minor phreatomagmatic eruption dahil sa short-term pressure buildup ayon sa ahensya.
Bagama’t nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, patuloy ang babala ng PHIVOLCS tungkol sa posibleng panganib tulad ng biglaang steam-driven eruptions at minor ashfall mula sa bulkan.
Pinapayuhan ang malapit na komunidad na umiwas sa Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan upang maiwasan ang panganib mula sa mataas na konsentrasyon ng sulfur dioxide at iba pang volcanic materials. – VC