IBCTV13
www.ibctv13.com

Pamahalaan, itinaas sa 10-day alert ang paghahanda para sa banta ng Typhoon Nika, mga susunod na bagyo – DILG

Alyssa Luciano
540
Views

[post_view_count]

DILG Secretary Jonvic Remulla spearheaded a press briefing regarding the threat of Typhoon Nika. (Photo by OCD)

Inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla na nakataas na ang 10-day alert para sa pamahalaan bilang paghahanda sa maaaring maging epekto ng Typhoon Nika pati na sa dalawa pang bagyo na nagbabadyang pumasok sa bansa ngayong linggo,

“You can see the scenario: between November 11 and 17, we will have three typhoons entering the Philippines, all on the same path. So, between Marce and Pepito, that means four typhoons in 10 days, following the same trajectory,” paliwanag ni Remulla.

Kasabay nito ay tiniyak ng kalihim na nagsisilbi rin bilang vice chair ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nakahanda na ang lahat ng sistema na gagamitin para sa kapakanan ng publiko.

Nag-abiso na si Remulla sa 2,500 barangay na direktang dadaanan ng bagyong Nika, partikular na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region, na magsagawa na ng pre-emptive evacuation habang ang mga lokal na pamahalaan naman ay naka-standby na.

Bandang 8:10 a.m. nang tuluyang mag-landfall ang bagyong Nika sa Dilasag, Aurora habang huling namataan ang mata nito sa San Agustin sa Isabela.

Batay sa huling tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na lalakas ang Typhoon Nika habang binabaybay ang Northern Luzon.

Bagama’t inaasahan na lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Nika bukas, susundan naman agad ito ng pagpasok ng Tropical Depression na papangalanan bilang Ofel.

Samantala, isa pang bagyo ang binabantayan din ng PAGASA kasunod ng pagpasok nito sa monitoring domain ng weather bureau na nakatakda namang pangalanan bilang Pepito sakaling pumasok sa PAR. – VC