IBCTV13
www.ibctv13.com

Pamahalaan, naghahanap ng bagong oil supplier sa gitna ng pandaigdigang banta sa suplay – PBBM

Kristel Isidro
86
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during a media briefing in New York, USA, today, March 11. (Courtesy to RTVM, Anadolu via PNA)

Naghahanap na ng mga alternatibong pagkukunan ng langis ang pamahalaan upang matiyak ang matatag na suplay sa gitna ng pangamba sa pabagu-bagong galaw ng pandaigdigang merkado, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa isang media briefing sa New York City bago bumalik ng Pilipinas, sinabi ng Pangulo na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa ilang oil-producing countries na hindi karaniwang pinanggagalingan ng suplay ng bansa.

Layunin aniya ng pamahalaan na makipagkasundo sa mga bagong supplier upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa suplay ng langis sa bansa.

“We are talking to many other countries who we normally do not buy oil from but hopefully we will be able to come to an agreement with them and that we will get further supply from them,” ayon sa Pangulo.

Gayunman, kinilala ni Pangulong Marcos Jr. na nananatiling hamon ang hindi tiyak na galaw ng presyo ng langis dulot ng geopolitical tensions.

Pangunahing suliranin aniya ang kawalan ng katiyakan kung gaano magtatagal ang mga sigalot, na nagpapahirap sa pagtataya ng magiging direksiyon ng presyo ng langis.

Dagdag ng Pangulo, hindi lamang mga bansang umaangkat ng langis ang apektado ng sitwasyon kundi maging ang mga supplier at financial markets sa buong mundo.

Patuloy naman tinitiyak ng Pangulo ang pagkilos ng administrasyon upang mapanatiling matatag at abot-kaya ang suplay ng langis para sa mga Pilipino. – VC