IBCTV13
www.ibctv13.com

Pamahalaan, nagpatupad na ng iba’t bang hakbang sa pagtugon sa pagbilis ng inflation, epekto ng patuloy na sigalot sa Middle East – DEPDev

Khengie Hallig
140
Views

[post_view_count]

Photo from DSWD, PIA

Para maibsan ang epekto ng pagbilis sa inflation dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, kasalukuyan nang ipinatutupad ang operasyon ng Executive Order No. 110 o ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Committee na makakatulong sa pamahalaan para tukuyin ang mga angkop na hakbang.

Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, pinapagana na rin ng gobyerno ang emergency fuel procurement program kung saan nakahanda ang 165.6 milyong litro ng langis na nakatakdang ipadala sa bansa ngayong Abril.

Malaking tulong din ang pagbibigay ng toll rebates sa mga public utility vehicle (PUVs) at mga cargo truck sa mga pangunahing expressway para makatipid sa byahe.

Samantala, naglabas na ng alituntunin ang pamahalaan laban sa hoarding upang maiwasan ang artificial fuel shortages at mapanatili ang pantay na distribusyon ng langis sa mga konsyumer.

Upang matiyak naman ang sapat na suplay ng pagkain, mas pinalawak pa ang suporta para sa P20 rice program sa iba’t ibang rehiyon sa bansa habang nagpakalat na rin ng logistics support sa pagpapadala ng mga gulay mula Benguet patungo sa Metro Manila.

Wala pa ring patid ang pamamahagi ng tulong-pinansyal ng pamahalaan gaya ng fuel subsidies, cash assistance, at maging ang pagsasagawa ng service contracting para sa mga vulnerable sector tulad ng PUV drivers, magsasaka, at mangingisda para pagaanin ang epekto ng tumataas na presyo ng petrolyo.

Matatandaang naitala sa 4.1 percent ang inflation sa bansa ngayong buwan ng Marso mula sa 2.4 percent noong Pebrero, batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Martes, Abril 7.

The government stands ready to address emerging inflation pressures through strategic, well-targeted, and time-bound interventions, particularly in fuel, transport, and food,” pagtitiyak ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan. – MP