IBCTV13
www.ibctv13.com

Pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga apektado ng oil price hike, sisimulan na sa Martes

Veronica Corral
108
Views

[post_view_count]

Motorists line up at a gasoline station along Commonwealth on Monday ahead of an expected hike in petroleum prices. (Photo from Darwina Lumocso, IBC Digital)

Aarangkada na ang pamamahagi ng fuel subsidy ng pamahalaan sa maraming benepisyaryong apektado ng pagsirit ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.

Ang kabuuang pondo na P30 bilyon ay manggagaling mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isang press briefing, ang mga apektado ng oil price hike ay maituturing na bilang mga indibidwal na humaharap sa krisis.

“Sa puntong ito hindi na lang kasi sila PUV driver kung hindi maituturing na natin silang individual in crisis situation,” ayon kay Gatchalian.

Uunahin ang pamamahagi ng subsidiya sa transportation sector tulad ng Public Utility Vehicle drivers at operators (jeepney, taxi, UV express, tricycle, TNVS). Tig-P5,000 ang matatanggap ng bawat benepisyaryo.

Samantala, local government units ang mamamahala sa pamamahagi ng fuel subsidy ng tricycle at jeepney drivers.

Nakatakdang simulan ang rollout ng distribusyon sa Metro Manila at susundan ng pamamahagi sa iba pang bahagi ng bansa.

Tinitiyak ng DSWD na hindi lang isang beses isasagawa ang pamamahagi ng subsidiya lalo na kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.

Maliban sa financial assistance, isinusulong din ang pagkakaroon ng diskwento sa toll fee para makabawas sa pasanin ng mga motorista.

“Nakipag-usap po tayo sa toll operators na pagdating sa provincial buses, sa mga trucks na for essential goods at agricultural products, na magbigay ng discount sa mga toll fee natin,” ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez.

Pinag-uusapan na rin ng Department of Transportation at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kung paano matutugunan ang epekto ng dagdag-presyo sa gasolina sa air travels ngayong papalapit na Semana Santa.

“Isa sa mga tinitingnan namin sa CAAP kung pwede ba namin ibaba ang ibang mga fees; landing fees, take off fees, ‘yung mga bagay na kaya naman naming i-adjust,” ayon kay Lopez.

Samantala, iginiit naman ng National Confederation of the Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines na makatutulong sa kanilang hanay ang nakaambang provisional fare hike habang hindi pa nasususpinde o natatapyasan ang excise tax sa langis. (Ulat mula kay Eugene Fernandez)