Kinokonsidera na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tanggalin sa listahan ng mga bagyo ang mga pangalang Kristine, Aghon at Carina dahil sa laki ng pinsala na idinulot nito sa bansa ngayong taon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, tinatanggal lamang ang pangalan ng isang bagyo sa listahan kung nakapagtala ng higit 300 casualty o kung umabot sa isang (1) bilyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
“At the end of the year, PAGASA assesses the impacts of the typhoons and it is possible that we will decommission some names like Aghon, Kristine and Carina. For Carina, it was the southwest monsoon which caused damage and we continue to assess if it will qualify to be decommissioned,” paliwanag ni Estareja.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo sa P1-bilyon ang pinsala ng Typhoon Aghon sa buong bansa habang umabot naman sa P1.21-bilyong halaga ng pinsala ang idinulot ng bagyong Carina kasabay ng Habagat noong Hulyo.
Humigit-kumulang 100 naman ang nasawi dahil sa pananalasa ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine noong Oktubre kung saan aabot sa P11-bilyong halaga ang nasira sa agrikultura at imprastraktura.
Sa ngayon, patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng iba’t ibang ayuda matapos ang sunud-sunod na bagyo nitong Nobyembre. – VC