
Magandang balita para sa mga komyuter, magsasagawa ng dry-run ang pamahalaan para sa panibagong Northbound bus stop sa SM Mall of Asia (MOA) Busway Station upang makadagdag sa kasalukuyang southbound operations.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), magsisimula ang traffic adjustment dry-run sa Setyembre 22 (Lunes), 12:01 a.m. hanggang 11:59 p.m. ng Setyembre 30 (Martes).
Ang isasagawang adjustment ay paghahanda para sa pormal na implementasyon nito sa Oktubre 1.
Pinapayuhan naman ang mga pasahero na gumamit lamang ng mga itinakdang loading at unloading zones na may opisyal na karatula.
Mahigpit ding pinapaalalahanan ang mga busway driver na sumunod sa kanilang nakatalagang linya upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko.
Nagpahatid naman ng pasasalamat ang ahensya sa mga motorista at pasahero sa kanilang pasensya at pakikiisa habang isinasagawa ang hakbang tungo sa mas pinabuti at pinabilis na EDSA Busway experience para sa lahat. –VC