Tuluyan nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bandang 2:00 a.m. ngayong Sabado, Nobyembre 9.
As of 3:00 a.m., huli itong namataan sa layong 1,150 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Mataas ang tsansa ng nasabing LPA na maging isang bagyo sa susunod na 12 oras.
Sa ngayon, wala pa itong magiging direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.
Isa pang sama ng panahon ang mino-monitor sa labas ng PAR na nasa layong 2,870 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.
Ayon sa PAGASA, ‘medium’ ang tsansa ng LPA na maging ganap na bagyo at hindi inaalis ang posibilidad ng ‘tropical cyclone development’ sa mga susunod na araw.
Samantala, nakalabas na ng PAR ang bagyong Marce (Yinxing) nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 8 kung saan wala na itong direktang epekto sa bansa.
Patuloy na kumikilos ang nasabing bagyo papalayo sa PAR sa bilis na 20 km/h.
Asahan ang ‘generally fair weather conditions’ sa bansa ngayong araw lalo na sa Metro Manila maliban sa panaka-nakang mga pag-ulan at pagkulog sa hapon o gabi bunsod ng localized thunderstorms.
Pinapayuhan ang publiko na maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.