
Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12232 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula sa orihinal na petsa sa Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026.
Sa ilalim ng bagong batas, palalawigin din sa apat na taon ang termino ng mga barangay at SK official.
Nakasaad na hindi papayagang tumakbo sa parehong posisyon ang mga opisyal na nanungkulan sa tatlong magkakasunod termino.
Hindi rin mapuputol ang buong termino ng isang halal na opisyal kahit kusa itong magbitiw sa pwesto.
Samantala, mananatili naman sa tungkulin ang mga incumbent official hanggang sa makaupo ang kanilang kahalili, maliban kung matanggal o masuspinde sa tungkulin.
Nakatakdang maglabas ang Commission on Elections (COMELEC) ng implementing rules sa loob ng 90 araw mula sa bisa ng batas.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan nito upang bigyang-daan ang paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa Oktubre 13. – IP