Lusot na sa Senate Committee on Finance ang P2.28-bilyong proposed budget para sa 2025 ng Presidential Communications Office (PCO) at attached agencies nito ngayong Huwebes, Oktubre 3.
Pinangunahan ni Finance Subcommittee chair Loren Legarda ang budget deliberations kung saan suportado niya ang mga plano ng ahensya na sugpuin ang fake news, misinformation at disinformation.
“Accuracy, whether you are a reporter journalist or a senator or part of the exec dept, accuracy comprehensive knowledge vetting and confirming and conveying the information and turning the information into action to serve our people. That’s Leadership, that’s enlighten governance,” mensahe ni Sen. Legarda.
Isa sa mga ibinida ng PCO sa komite ang bagong programa na “Barangay Information Officers Network Summit’ na layong palakasin pa ang kakayahan ng mga barangay information officers sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga lokal na komunidad.
Dadaan sa training at makakatanggap ng resources ang mga officer na lalahok sa summit upang mapahusay ang kanilang kasanayan sa media relations, information dissemination at paggamit ng digital platforms.
Kabilang pa sa sinuportahan ni Legarda ang franchise renewal ng Intercontinental Broadcasting Corporation-13 (IBC 13) para sa paglago ng network dahil sa dumarami nitong mga programa.
Sa susunod na buwan, sasalang naman ang PCO sa plenary budget deliberations.