
Ipinauubaya ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Fredrick Go sa Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ang desisyon sa panukalang isang-buwang tax holiday ni Senador Erwin Tulfo.
Kaugnay ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng pamahalaan ukol sa multi-billion na korapsyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang press briefing, sinabi ni Secretary Go na bago ito sa kanyang kaalaman kung kaya’t kinakailangan munang pag-aralan ng mabuti ng mga kinauukulang ahensya bago maglabas ng anumang pahayag ukol dito.
“Bagong bago po ito. Kailangan pag-aralan mabuti ng DOF at DBM. This is quite big matter and I think it’s best to give the DOF and DBM time to carefully study this proposal,” saad ni Go.
Nang tanungin kung makatutulong ba ang naturang hakbang para maibalik ang kumpiyansa ng publiko, muling binigyang-diin ng kalihim ang pangangailangan sa teknikal at piskal na pag-aaral para rito.
Sa ngayon, wala pang opisyal na desisyon o pahayag ang DOF at DBM gayundin ang Palasyo. – VC