IBCTV13
www.ibctv13.com

Panukalang taas-pasahod ng Kongreso, makakaapekto sa ekonomiya, MSMEs – economic managers

Ivy Padilla
172
Views

[post_view_count]

Canva File Photo

Nagbabala ang economic managers ng kasalukuyang administrasyon, kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ukol sa mapanganib na epekto ng ipinanukalang P200 at P100 dagdag na sahod ng House of Representatives at Senado. 

Sa isinumiteng joint position paper kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hinimay-himay ng mga lider ang bawat mahahalagang punto:

INFLATION

Batay sa position paper, maaaring mag-ambag ng 2 percentage points (ppts) ang P200 dagdag-sahod, habang makakaambag ng 0.7 ppts ang P100 sa antas ng inflation sa Pilipinas. 

Nakikitang lubos na maaapektuhan nito ang low-income household kung saan sa oras na tumaas ang sahod, tataas din ang production cost na magreresulta sa mas mataas na presyo ng mga pangunahing produkto.

MSMEs

Mahihirapan din na makasabay ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa itatakdang taas-pasahod lalo pa’t 90% ng kabuuang business enterprises sa bansa ay binubuo ng maliliit na negosyo. 

Kung kwewentahin, nasa P4,000 hanggang P4,800 kada buwan ang magiging umento sa sahod ng mga magtatrabaho ng lima hanggang anim na araw.

Para makasabay, maaaring taasan ng ilang MSMEs ang presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo, magbawas ng tauhan at manggagawa, o di kaya’y mapilitang magsara na parehong makakaapekto sa mga empleyado at ekonomiya. 

UNEMPLOYMENT

Sa oras na magsara ang mga negosyong hindi makakasabay sa taas-pasahod, mapipilitan ang mga ito na magbawas ng mga empleyado o tumigil sa pagkuha ng mga bagong manggagawa. 

Magreresulta ito sa mas mataas na antas ng unemployment at underemployment kung saan 0.2 ppts ang posibleng madagdag ng P100 wage hike habang 0.6 ppts naman para sa P200.  

Katumbas ito ng humigit-kumulang 105,000 hanggang 300,000 katao na posibleng mawalan ng trabaho. 

EPEKTO SA PAGLAGO NG EKONOMIYA

Mahahatak din pababa ng panukalang across-the-board wage hike ang gross domestic product (GDP) kung saan 1.6 ppt ang mahahatak ng P200 dagdag na sahod habang 0.5 ppt para naman sa P100. 

Inirekumenda na sa Pangulo na panatilihin ang kasalukuyang sistema ng pasahod sa ilalim ng pamamahala ng Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs), gayundin ang pagpapalakas sa implementasyon ng minimum wage law. 

Nilagdaan ang nasabing position paper ng mga economic manager na sina Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick D. Go, Finance Secretary Ralph G. Recto, DEPDEV Secretary Arsenio M. Balisacan, at Budget Secretary Amenah F. Pangandaman. 

Kasama pa sa lumagda sina Trade and Industry Secretary Ma. Cristina A. Roque at BSP Governor Eli M. Remolona. – VC

Related Articles