Mariing itinanggi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang umano’y pagkakaugnay ng ahensya sa nangyaring raid operation sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Malate, Manila nitong Oktubre 29.
Ayon sa PAOCC, walang nangyaring konsultasyon o abiso sa kanila ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na nanguna sa nasabing pagsalakay.
“The Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) was not part of the raid that was spearheaded by the PNP NCRPO and the PNP ACG. We were never consulted nor informed regarding this operation,” pahayag ng PAOCC.
Dagdag pa ng ahensya, hindi rin nila suportado ang nangyaring operasyon na umano’y “flawed operation” dahil nakalaya ang mga dayuhang nahuli sa lugar.
Kasabay nito, binigyang-diin ng PAOCC na ang bawat operasyon na kanilang isinasagawa ay may koordinasyon sa Inter-Agency Council Against Trafficking ng Department of Justice (DOJ) gayundin sa Bureau of Immigration (BI).
“We never release any foreign nationals caught in POGOs because all our operations are always properly coordinated with the DOJ IACAT and the Bureau of Immigration. Please do not associate PAOCC with flawed operations,” dagdag ng PAOCC.
Hinikayat naman ni Manila Mayor Honey Lacuna ang POGO operators sa lungsod na unti-unti nang magsara kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang itigil ang lahat ng POGO sa bansa bago matapos ang 2024.
Nitong Oktubre 31, nasa 358 empleyado ang nahuli sa isinagawang raid operation sa isang POGO hub sa Bagac, Bataan. – IP