IBCTV13
www.ibctv13.com

Patuloy na pagbibigay-tulong at deployment ng medical teams, ipinag-utos ni PBBM kasunod ng pinsala ng Uwan

Veronica Corral
192
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the situation briefing at the PSC Command Operations Center on Monday, November 10, to discuss the ongoing government response on the effects of Super Typhoon Uwan. (Photo from PCO)

Ilang oras lamang matapos mag-landfall ang Super Typhoon Uwan sa Dinalungan, Aurora nitong Nobyembre 9, agad na nagpatawag ng situational briefing si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw kasama ang kanyang mga gabinete.

 

Sa pagpupulong, ipinag-utos ng Pangulo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta sa mga apektadong pamilya. 

 

Iniulat ng DSWD sa Pangulo na may mahigit 100,050 pamilya ang apektado ng Uwan sa Bicol region at ang may pinakamaraming bilang ng mga evacuee. Mula sa bilang, 44,000 ay mula sa Camarines Sur.

 

Samantala, nakapagtala ng 20,000 apektadong pamilya sa Quezon province na bahagi ng CALABARZON. Tiniyak naman ng DSWD na binabantayan nila ang mga evacuation operations at kalagayan ng mga evacuee.

 

Ipinag-utos din ng Pangulo sa Department of Health ang agarang pag-deploy ng mga medical team sa lahat ng evacuation centers upang matiyak ang kalusugan ng mga lumikas.

 

Kasabay nito, sinimulan na rin ng Department of Public Works and Highways ang mga rehabilitation efforts sa mga nasirang kalsada upang hindi maantala ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar. 

 

Sa pinakahuling datos ng pamahalaan, 71 kalsada ang hindi pa madaanan sa Central Luzon at Cordillera Administrative Region, partikular sa Mountain Province, Benguet at Apayao, habang may mga lansangang sarado pa rin sa Aurora.

 

Batay naman sa ulat ng Office of Civil Defense, lubhang naapektuhan ng pagbaha ang Pangasinan, bagaman agad din itong humupa matapos ang pananalasa ng bagyo. 

 

Aabot na sa apat katao ang napaulat na nasawi kung saan dalawa ang kumpirmado habang wala namang naiulat na nawawala. Nagpapatuloy ang rescue at relief operations sa nasabing lalawigan.

Direktiba ni Pangulong Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magpatuloy sa walang humpay na pagbabantay sa lagay ng panahon, at ipagpatuloy ang rehabilitation efforts sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Tino at STY Uwan. (Ulat mula kay Eugene Fernandez)