
Isang pusa ang sinugod sa Mandaluyong city veterinary matapos walang awang panain sa Barangay Addition Hills noong Pebrero 27.
Sa Facebook post ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), nakatanggap sila ng tawag mula sa naturang beterinaryo, long time partner ng PAWS, tungkol sa kaso ng sugatang pusa na nangailangan ng emergency treatment sa nasabing lungsod.
Dahil hindi ito ang unang kaso ng ganitong klase ng pagmamalupit sa hayop, hinimok ng PAWS ang may-ari ng pusa na magsampa ng kaso laban sa indibidwal sa likod ng karahasan.
“Simply providing medical care isn’t enough; without seeking justice and holding perpetrators accountable, acts of cruelty like this will continue, and more animals will continue to suffer and even end up dying slow, painful, and horrible deaths,” saad ng animal welfare organization.
Nanawagan din ang PAWS sa publiko na agad ipagbigay-alam kung may nalalaman silang impormasyon tungkol sa taong namamana ng mga hayop.
ANO ANG SINASABI NG BATAS?
Sa ilalim ng Republic Act No. 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998, sinumang mapatunayang nang-aabuso ng hayop ay may kaakibat na pagkakakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon at may multang P1,000 hanggang P5,000.
Pero dahil sa mas pinalakas na bersyon ng batas na RA 10631, mas mabigat na ang parusa depende sa pinsalang ginawa:
Kung namatay ang hayop – Kulong ng isang taon at anim na buwan hanggang dalawang taon at/o multa na P100,000 pataas
Kung nagkaroon ng malubhang pinsala at hindi na kayang mabuhay nang mag-isa – Kulong ng hanggang isang taon at kalahati at/o multa na P50,000 pataas
Kung hindi naman nakamamatay pero malinaw na pagmamalupit – Kulong ng anim na buwan hanggang isang taon at/o multa na P30,000 pataas
Kung sindikato, negosyanteng gumagamit ng hayop sa ilegal na paraan, opisyal ng gobyerno, o may kinalaman sa tatlo o higit pang hayop – Kulong ng dalawa hanggang tatlong taon at multa na P250,000 pataas
Mahigpit man ang batas, pero may silbi lang ito kung may magsasampa ng kaso.
– VC