
Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes, Pebrero 19, ang public elementary school sa San Jose del Monte, Bulacan na nagpapatupad ng programang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) ng pamahalaan upang pangalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro.
Kasama ni Pangulong Marcos si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa pagbisita sa Minuyan Elementary School upang inspeksyunin ang implementasyon ng programa.
Naglaan din ng oras ang Pangulo upang makipag-ugnayan at makipag-usap sa mga guro at mag-aaral sa naturang pagbisita.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang patuloy na pangako ng pamahalaan na suportahan ang mga guro at mag-aaral hindi lamang sa usapin ng pag-angat ng karera, kundi pati sa kanilang pangkalahatang kapakanan.
Sa kasalukuyan, siniserbisyuhan ng YAKAP caravan ang mga benepisyaryo mula sa Minuyan Elementary School, na may kabuuang 3,085 na mag-aaral.
Batay sa datos ng DepEd, ang Minuyan Elementary School ay isa sa 59 pampublikong paaralan sa San Jose del Monte, na mayroon ding 105 pribadong paaralan.
Sa kabuuan, mayroong 10,160 kindergarten pupils, 66,726 elementary students, 38,571 junior high school students, at 7,333 senior high school students sa lungsod.
Ang lungsod ay mayroong 4,239 na guro, 157 teaching-related staff, at 348 non-teaching personnel. (PND)











