
Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lalawigang-isla ng Catanduanes nitong Huwebes upang siyasatin ang mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan at pangunahan ang pagpapatuloy ng tulong sa mga apektadong residente.
Pumunta ang Pangulo sa Tubli Elementary School sa Barangay Tubli, bayan ng Caramoran, kung saan kanya ring tiningnan ang mga silid-aralan na nasira ng Super Typhoon Uwan at ng Super Typhoon Pepito noong nakaraang taon.
May 739 mag-aaral at 30 kawani ang Tubli Elementary School. Sa 23 silid-aralan nito, isa ang tuluyang nasira, 14 ang may malalang pinsala, habang ang natitira ay may bahagyang pinsala dulot ng Super Typhoon Uwan.
Nag-donate si Pangulong Marcos ng dalawang yunit ng Starlink internet satellite sa Tubli Elementary School at sa pamahalaang lokal ng Caramoran.
Pagkatapos nito, sinuri rin ng Pangulo ang mga nasirang bahay at ang seawall sa parehong barangay.
Ayon sa ulat ng Caramoran, may 558 bahay ang tuluyang nasira at 2,127 ang bahagyang nasira.
Sa Barangay Tubli, kung saan nakatulong ang seawall upang maprotektahan ang komunidad sa baybayin, may 158 bahay ang tuluyang nasira at 370 ang bahagyang nasira, habang halos lahat ng mga motorbanca ay winasak ng super bagyo.
Alinsunod sa “whole-of-government approach,” inutusan ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong at ayuda sa mga residenteng apektado ng bagyo at tulungan silang makabangon sa lalong madaling panahon.
Kasama sa tulong ang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mamamayang nawalan o nasiraan ng tirahan dahil sa Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Pangulo, nagpapatuloy ang koordinasyon ng lahat ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at ng mga apektadong lokal na pamahalaan sa mga hakbangin para sa relief, recovery, at rehabilitation.
Noong Nobyembre 5, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Proklamasyon Blg. 1077 na nagdedeklara ng isang taong national state of calamity upang mapabilis ang mga kritikal na hakbang sa pagtugon at pagbangon matapos ang kalamidad. | PND











