IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, handang i-veto ang panukalang 2026 nat’l budget kung ‘di tugma sa prayoridad ng pamahalaan

Divine Paguntalan
113
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during his 4th State of the Nation Address (SONA) on July 28, 2025. (Photo from Bonbong Marcos/Facebook)

Nagbabala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-ve-veto ang panukalang pambansang pondo para sa 2026 kung hindi ito ganap na nakasunod sa National Expenditure Program (NEP) ng gobyerno.

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), nanindigan ang Pangulo na dapat gawing batayan ang NEP para sa pambansang budget.

Dagdag niya, anumang General Appropriations Bill (GAB) na lilihis sa prayoridad ng kanyang administrasyon ay paniguradong ibabalik.

Hindi rin alintana ng Pangulo ang posibilidad ng reenacted budget, basta’t masiguro lamang na ang pondo ay hindi mauuwi sa katiwalian.

“For the 2026 National Budget, I will return any proposed General Appropriations Bill that is not fully aligned with the National Expenditure Program. And further, I am willing to do this even if we end up with a reenacted budget,” saad ng Pangulo.

Binatikos din ng punong ehekutibo ang mga umano’y maanomalyang proyekto, partikular ang mga flood control project mula sa mga nakalipas na taon.

Bilang tugon, inatasan na ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng detalyadong ulat ng mga nasabing imprastraktura sa nakalipas na tatlong taon, kung saan ang Regional Project Monitoring Committees ang magbeberepika sa katotohanan ng bawat proyekto.

“Kailangan malaman ng taong-bayan ang buong katotohanan. Kailangang may managot sa naging matinding pinsala at katiwalian,” pagbibigay-diin ng Pangulo.

Nais din ni Pangulong Marcos Jr. na maisapubliko ang listahan upang mabigyan ng pagkakataon ang mamamayan na makiisa sa pagsusuri.

Sa huli, binigyang-diin ng Pangulo na hindi uubra ang korapsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon dahil ang pondo ng bayan ay para sa tunay na serbisyo sa mga Pilipino. – VC

Related Articles