
“Piliin niyo lagi ang tama. Piliin ninyo ang bayan. Piliin ninyo ang katapatan at ang kapayapaan.”
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga nagtapos na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na panatilihin ang kanilang tungkulin sa Republika at mamuno nang may integridad habang sinisimulan nila ang kanilang karera sa militar.
Sa kanyang talumpati sa Major Services Officer Candidate Course Joint Graduation Ceremony, binigyang-diin ng Pangulo na ang katapatan ng mga opisyal ay dapat laging nakatuon sa Konstitusyon at sa sambayanang Pilipino, hindi sa sinumang indibidwal, grupo o paksyon.
“More than this, the AFP that you are part of must always rise above politics. Your loyalty must not be to any individual or faction, but only to the Republic,” sinabi ni Pangulong Marcos sa graduation ceremony na ginanap sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ipinaalala ni Pangulong Marcos sa mga nangungunang nagtapos na ang kanilang tagumpay sa AFP ay hindi nasusukat sa mga medalya lamang, kundi sa kung paano nila pinaglilingkuran ang kanilang kapwa Pilipino.
“Alam kong mabigat ang panahon ngayon. The world is changing fast. These changes can create new risks for the country,” ayon sa Pangulo.
Ayon sa Pangulo, dapat ipagpatuloy ng militar ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, lalo na sa West Philippine Sea, kung saan patuloy na ipinaglalaban ng mga mangingisdang Pilipino at mga sundalo ang karapatan ng bansa sa kabila ng lumalaking hamon.
“We will stay vigilant against any attempt to weaken our sovereignty or test our resolve,” ayon sa Pangulo.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsasanay ng mga nagtapos, na naghanda sa kanila upang mag-isip nang mabilis, kumilos nang may kapanatagan, at makipagtulungan, maging sa loob ng AFP o sa mga pandaigdigang katuwang.
Ayon sa Chief Executive, ang kanilang integridad ay nasasalamin sa kanilang uniporme at ranggo, at dapat silang maging huwaran lalo na ngayon na ang mga Pilipino ay naghahanap ng katapatan at tapang sa paglilingkod-bayan.
Muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang pangako ng pamahalaan na magtatag ng makabago at propesyonal na AFP.
“We continue to invest in radar systems, ships, aircraft, and facilities that will strengthen our deterrence and improve disaster response,” ayon kay Pangulong Marcos.
“We also deepen our partnerships with other countries, such as Japan, the United States, and Australia, as well as other allies, to better protect our shared peace and stability,” dagdag pa ng Pangulo.
Ipinaalala ng Pangulo sa mga nagtapos na ang kanilang misyon ay hindi natatapos sa pagtupad ng mga operasyon. Kabilang din dito ang pagpapanatili ng kapayapaan, pagprotekta sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad, pagbibigay-seguridad sa halalan, at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan kahit sa pinakamalalayong lugar.
“And there will be moments when your integrity will be tested. Corruption and dishonesty can manifest in various forms. Kaya piliin niyo lagi ang tama. Piliin ninyo ang bayan. Piliin niyo ang katapatan at kapayapaan,” ang sabi ng Pangulo.
Hinimok ng Pangulo ang mga nagtapos na dalhin ang karangalan ng kanilang mga pamilya at ang pag-asa ng sambayanang Pilipino, dahil ang kanilang tagumpay ay makatutulong sa pagbuo ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na bansa.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa mga pamilya na sumuporta sa mga kandidato sa buong panahon ng kanilang pagsasanay, gayundin sa mga guro at tagapayo na gumabay sa kanila nang may pagtitiyaga at layunin.
Ang Officer Candidate Course (OCC) ay isang taong programa para sa mga may baccalaureate degree, na idinisenyo upang ihanda sila sa mental, pisikal, at emosyonal na aspeto para sa pagkakahirang sa AFP Regular Force.
Ngayong taon, kabuuang 638 kadete mula sa Philippine Army (PA) Class “Bumannawag” (326), Philippine Air Force (PAF) Class “Kahimdaliyan” (164), at Philippine Navy (PN) “Sagmaraya” (148) ang matagumpay na nakatapos ng kanilang OCC at magiging second lieutenants at ensigns sa AFP.
Si Pangulong Marcos, kasama si National Defense Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., ang naggawad ng mga parangal sa mga nangungunang estudyante sa seremonya. | PND











